Steel Footbridge na nag-uugnay sa dalawang Sitios ng Barangay Laconon, pormal nang nai-turnover ng LGU-Tboli
Pinangunahan ni Tboli Municipal Mayor Keo Dayle T. Tuan ang ginawang Turnover Ceremony ng nasa 14.4 metrong haba ng steel footbridge na nag-uugnay sa Sitio Naf at Sitio Ellaw ng Barangay Laconon, kahapon, Pebrero 8, 2023.
Ayon sa Tboli MDRRMC, ang proyekto ay pinondohan ng LGU-Tboli gamit ang 5% LDRRM Fund sa halagang 𝐏𝟒𝟑𝟔,𝟖𝟔𝟐.𝟓𝟎 na pinangasiwaan ni Engr. John Paul Aman ng Tboli Engineering Office.
Sa kanyang mensahe, binigyang diin ni Councilor Kirk T. Tuan ang kahalagahan ng steel footbridge sa mga residente ng nasabing lugar kung saan ay mas madali ng maiparating ang mga serbisyo ng gobyerno sa taong bayan at malaking tulong na rin sa pagpapalabas ng mga produkto ng mga residente doon.
Samantala, ipinaabot naman ni Mayor Keo Dayle T. Tuan ang kanyang kagalakan sa ipinakitang suporta at kooperasyon ng mga residente sa nasabing proyekto.
Dumalo din sa nasabing aktibidad sina Councilor Gading Kamblan, OIC MDRRMO Roan May Gille, Francis Denian, Brgy. Kagawad ng Laconon, Benjie Denian, Sitio Leader ng Deseket, Jimmy Blabad, Sitio Leader ng Ellaw, iba pang mga lokal na opisyal ng barangay, Mafoko Riders at iba pang mga residente ng nasabing lugar. (Milchard A. Bing, MIO News Team)